Ilang buwan na ang lumipas nang nagulo ang aming pananahimik sa bahay nang may marinig kaming biglang humampas sa florescent lamp ng aming bahay. Hindi ko na maalala kung ano ang ginagawa ko ng mga oras na iyon pero nabulahaw ako sa munting tunog na iyon.
Tonk.
Maya maya ay naghiyawan ang mga kapatid ko at nagtatakbo papunta sa kanilang kwarto. Nagulat ako nang makita ko sa kisame ang isang lilipad-lipad na salagubang na naligaw sa aming tahanan. Habang kumakaripas sa pagtakbo ang aking mga kapatid, lumiwanag naman ang aking mga mata sa galak. Minsan ka lang makakakita ng salagubang sa kalagitnaan ng Makati.
Naalala ko, dati rati ay nanghuhuli kami nito ng aking mga pinsan sa Bulacan. Nilalagyan ng sinulid sa katawan at pinapalipad na tila mga itim na saranggola na mababa ang lipat. Kaya namangha ako nang makita ang salagubang na iyon.
Sa puntong iyon, ako na lamang ang naiwan sa silid. Lahat ng kasamahan ko ay nasa kabilang silid, nakasilip sa pinto at nagmamakaawa na paalisin ko ang munting insekto. Imbes na paalisin ay hinuli ko ito at inilagay sa garapon at pinangarap na alagaan. Nagpupumiglas ito nang aking hawakan ng dalawang daliri.
Ilang linggo ang nakalipas ay napasin kong nanghihina ang kulisap na gustong alagaan. Hindi siya kumakain ng mga dahon na sa isip ko ay kanyang kinakain upang mabuhay dito sa lungsod. Ngunit napansin ko ang kanyang matamlay na pangagatawan. Kaya naisipan kong pakawalan na lamang ito. Ayokong mamatay dahil sa aking kalayawan ang isang kakaibang kulisap na minsan mo lamang makikita sa lungsod. Kaya kahit nanghihna ay pilit ko siyang pinakapit sa puno ng duhat na matatagpuan sa likod ng aming bahay.
Matapos nun ay hindi ko na naisip pa ang munting salagubang. Kung nabuhay man siya o hindi ay hindi ko na alam. Ngunit bumalik siya sa aking isipan dahil sa mga nangyari kanina.
Ipinagpaliban ko saglit ang pagsusulat para usisain ang batang umakyat sa amin. Anak yun ng aming kapitbahay na madalas magpalipas ng oras sa bahay upang makipaglaro sa amin. Dalawang taon pa lang siya.
Ikinukwento (Take note, ikinukwento in full detail! Ngayon lang ako nakakita ng ganito ka normal na bata! ) niya sa mga kapatid ko ang nangyari sa kanya kanina. Naroon ako para manggulo sa kanya.
Nasa kalagitnaan siya ng pag-iisip (ang gulo ko kasi talaga), nang biglang sumigaw (actually, tumili) ang kapatid kong si Barry.
"Eeeek! Salagubang!" Sabay damba sa akin. Sumunod naman ang dalawa kong kapatid na babae. Sa kaguluhan, nakatunganga lang kami ni Angel (yung bata). Pero kita sa mata ng bata na nagulat siya. Sinubukan kong hampasin ng librong malapit lang ang salagubang upang mapunta ito sa kabilang dako ng kwarto. Kung hindi ko ginawa yun baka nadaganan ng tatlong kapatid ko ang batang nakatulala. Biglang naglabasan ang tatlo kong kapatid sabay dala sa batang hindi malaman kung anong nangyayari.
Tinamaan ko siguro yung salagubang pero hindi ko na napansin kung saan. Muntik na kasi ako mahulog sa pagkakaupo nang dumaan palabas yung tatlo.
Habang hinahanap yung salagubang, narinig ko yung bata. "Si tuya bill (barry), duwag! Ako nadulat lang!" (Takte, bakit ang dami mong kayang sabihin?)
Nahuli ko yung insekto. Tinamaan ko nga. Mukhang tuliro eh. Kinausap ko pero hindi sumasagot.
Ipinakita ko sa bata. "Hulihin mo." Sabi ko. Iniabot ko sa kanya ang plastic na garapon. Pero ayaw niyang hawakan yung salagubang. So ako ang dumampot at inilagay sa garapon.
"Gusto mo ipakita kay kuya AJ?" Tanong ko. Nabatid ko kasing umiiyak ang nakatatanda niyang pinsan sa kanila bahay.
"Sige!" Ang kanyang tugon. "Takutin muna natin si tuya billy!" Sabay abot ng bote sa kapatid ko na mukhang hiyang hiya sa kanyang pagtili.
Dinala ko yung salagubang kasama ng bata sa kanilang bahay. Ipinakita niya sa kanyang mga magulang tapos ay kay kuya AJ niya. Maya maya ay dalawang bata na ang nasa bahay namin.
Nilagyan ko ng sinulid yung kulisap katulad ng ginagawa namin dati. Tapos ay ipinalipad. Lumipad naman ang kumag. Hindi niya batid ang kahibangan ng higanteng tao na may hawak sa kanyang sinulid. Konting hila ko lang ay baka katapusan na ng kanyang miserableng buhay.
Natuwa ang mga bata. Pero ako lang ang humahawak ng sinulid. Ayaw nila. Natatakot. Kaya naisipan kong pakawalan na lamang ang salagubang. Naawa nanaman ako. Hindi sapat na kabayaran sa kanyang buhay ang katuwaan ng dalawang paslit na may kakayahang durugin ang kanyang munting katawan anu mang oras nila gustuhin.
Kaya muli ay pinakawalan ko ang salagubang. Ngunit bilang tanda, iniwan ko ang kapirasong sinulid sa kanyang katawan. Naisip ko, baka sakaling iisa ang salagubang na natagpuan namin ngayon sa salagubang na pinakawalan ko limang buwan na ang nakalilipas.
Kung maaalis niya ang markang iyon, bahala na siya. Basta wag na siyang babalik, baka sa susunod ay hindi na ako ang makahuli sa kanya. Kawawang salagubang ka!
WAKAS
ay,,,,nakakatouch...alam mo hindi ko alam kung bakit mahal ko ang mga insekto...
ReplyDeleteParepareho kasi tayong mga creatures ni God. So sad nga lang kasi most of them are harmful to humans.
ReplyDeletei disagree!! they're not suppose to be harmful. but because they're in the wrong place and unwanted to humans, they're considered as pests. The concept of pest is anthropogenic. Human themselves are the primary costs of these problems because of species introduction, alteration of their original habitats, pollution, etc. these insects have also their roles in nature.
ReplyDeleteHahahaha! Thanks for the info diuvs! I'll keep that in mind!
ReplyDelete